Ay dinaig pa ang talbog ng bolang wari'y
Magdudulot ng kumbulsyon
Umpisa pa lang, medyo ramdam ko na
Ang padehadong tagpo na lagi'y daloy
Ng iyong laro sa liga.
Wala namang masama na sumandig na
Lamang sa pananalig
Tiim-bagang napapapikit at ngiwi,
Sa mga galawang hindi ka makapagtimpi
Sa mga nasayang na bola, buslong hindi man
Lang maging puntos
Gaya ng pag-ibig ko sa 'yo, ni ayaw umusad
Ni ayaw tumagos.
Nasayang nga ba ang panahon ko sa 'yo?
Ako nga ba'y kumuha ng batong ipupukpok
sa ulo ko?
Ang ligalig at pighati sa tuwing mamasdan kang
Unti-unting nilalampaso, tinatambakan
Hindi ba't sakit lamang sa puso ang
Puede nitong kahinatnan?
Kinse. Bente...minsan pa nga, trenta!
Tambak ka na nga sa puntos, tambak ka pa
Sa Alaska.
Pero, tangina! Daig mo pa sadista!
Talagang tutok ka pa't kumukuyakoy pa!
Pero bakit laging ganoon? Andoon pa rin ako?
Kahit noong panahon ni Jawo hanggang ngayong era ni Caguioa.
Aasa sa himala, aasa sa panaka-nakang ragasa.
Ang makita kang pumalag at gapangin man lang
Ang di maubus-ubos na lamang.
Marahil gaya ng damdaming iginugupo ng
Mga hinaing na kailanma'y di ka magiging akin
Magkakasya sa mumunting saya,
Makukuntento sa panumandaling ligaya.
Hindi mo na iisiping sa huli'y muli'y mabibigo
Ang makita kang lumaba'y mistulang
Pakunsuwelo de bobo.
O di kaya'y ito talaga ang tagpong
Ipagpapatayan mo?
Na malanghap ang espiritu ng hindi pagbitaw,
Na danasin ang pagbulusok at pag-angat
Sa nagdedeliryong damdaming walang
Gatol sa paghiyaw.
Ayan na nga, muli'y talo sa huli
Alumpihit kang tatayo sa upuang
Sumalo lahat ng nerbiyos mo't puwersa
Ang mala tsubibong saksi ng iyong
Lungkot st saya.
Tuwing talo ang Ginebra, ika'y naaalala
Dahil anumang pilit kong habulin ka,
Anumang pilit kong sumubsob at magkumahog
Habang animo'y abot-kamay na kita
Para kang siya, siya na pag nakamtan mo'y
Kampeonato ngang talaga
Ngunit gaya nga ng never-say-die ng Ginebra
Sa paghabol ay masaya, sa pag-asa'y matutulala
Ngunit gaya ng laging ending ng pagragasa
Sa huli'y susukuan ka rin, gaya ng ganap nating dalawa.
No comments:
Post a Comment